Hindi ako sigurado kung bakit isa sa mga pinakaunang tinuro sa atin nung bata tayo ay kung papano magbilang. Marahil dahil yun na ang nakasanayan.

Dahil nga natuto tayong magbilang, nakagawian na rin nating bilangin ang kung anu-ano. Binibilang ng mga estudyante ang kanilang mga medalya o di naman kaya’y kung nakailang bagsak na sila sa pagsusulit para malaman kung anong marka ang hahabulin nila upang makapasa. Yung mga negosyante, nagbibilang ng pera. Yung mga hindi makatulog, nagbibilang ng tupa. Yung mga single, aminin man nila o hindi, nagbibilang ng taon hanggang sa mahanap nila ang magiging kabiyak nila.

May mga kaibigan akong kinasal noong isang linggo (para masabi kong isang linggo na nga ang nakakaraan, kinailangan ko ring magbilang). Sila ang dahilan kung bakit pinipilit ko ulit magsulat sa Tagalog (hindi po pagbibilang ito). Nabanggit ko na dati kung bakit nung ginawan ko sila ng kanta.

Naipangako ko ring magsusulat ako tungkol sa kasal nila. Naisip ko lang na masayang gawin yun habang nagbibilang. Para maiba lang.

1,2,3 

Isang kakaibang kasalan yun. Unang beses kong dumalo sa kasal na madaling-araw gaganapin kaya ika-1 pa lang ng umaga, nakaligo na ako.

Dalawang daan humigit ang pumunta. Karamihan sa amin, alas-dos pa lang ng madaling araw ay nandun na. Yung iba, dun na natulog (buti na lang may mga tulogan dun). Yung iba, hindi na natulog. Mas excited pa yata kami sa ikakasal.

Tatlong taon ko nang kilala si Kuya Peds. Mga ganun rin yata kay Ate Joyce. Nung nakilala ko sila, parehas kaming walang kamalay-malay na sila pala ang magkakatuloyan. Akalain mo nga naman.

4,5,6

Alas-kwatro ng umaga – Nakapila na ang lahat ng kasali sa entourage. Naka-pwesto na rin ang banda pati na ang mga kakanta. Nakahanda na kaming lahat para sabayan sina Kuya Peds at Ate Joyce na salubungin ang bagong umaga bilang mag-asawa.

Alas-singko na nung nagsimula ang seremonya. Mga ganitong oras rin nung kinuha yung litrato kung saan pareho silang nakaupo habang unti-unting sumisikat ang araw sa likod nila. Ilang saglit lang ay oras na para sabihin nila ang pangako para sa isa’t isa.

Mahigit anim na beses pinalakpakan ang vow ni Kuya Peds. At malamang sa hindi, higit pa sa anim ang naiyak habang tumatawa. Pa’no, ang kulit kasi.

Mapalad ako at binigyan nya ako ng kopya. Sabi ko kasi ilalagay ko rito. Eto yun:

Noon, akala ko ang wagas na pag-ibig ay sa nobela lang, matatagpuan

Subalit naging totoo ito nang dumating ka sa buhay ko.

Tinuruan mo aking magmahal. Teacher ka nga talaga.

At dahil jan, I promise you Mathematics – not to count your past against you but to add great memories to your life, to divide your load as a single parent because i will be a father to MJ, to multiply MJ and another MJ and maybe another MJ into this world.

I promise you History – not to keep any record of wrongs but to remember how good God has been good to us

I promise you Chemistry – to continually experiment on ways on how to make you smile and finding the formula to make you glad

I promise you Geometry – to love you no matter what size and shape you become

I promise you Physical Education – to try to be fit so I will not grow to any size and shape and so that we will live to love each other longer

And lastly, you will be my Recess – my favorite subject – i will never get tired of talking to you, eating with you, looking at you, looking after you, taking care of you.

With God as the ultimate guidance counselor in this next chapter of our lives, I know we will learn together joyfully.

Hindi kita iiwan, hindi pababayaan, ngayon ikaw ay akin lang.

Twit, mahal na mahal na mahal kita. Ikaw na nga!

Pero syempre, mas maingay kami nung mag “You may kiss the bride,” na!

7,8,9

Pitong araw bago ang kasal, tinext ako ng wedding coordinator. Pinapadalo ako sa meeting para pag-usapan ang detalye ng kasal. Panay detalye ang kasalang yun. Yung pinagganapan, nagawa nilang pagmukhaing parang ibang lugar. Ang galing lang talaga!

Mga ikawalo ng umaga, patapos na ang reception. Medyo mataas na rin ang araw. Eh nasa open area kami kaya maya-maya pa, nagsi-uwian na rin.

Mga alas-nwebe nasa kanya-kanyang mga bahay na kami. Malamang sa mga oras ring yun, marami sa amin ang naghanda para bumawi ng tulog. Pero sobrang sulit naman ang pagod. Hindi ko na alam pa’no tatagalugin to kaya isusulat ko na lang sa Ingles: Nothing beats the joy of seeing two people’s wait finally coming to an end!

10,11,12

Ikasampung buwan ng taon.

Ikalabing-isa ng Oktubre.

Taong dalawang libo at labing-dalawa.

Para kina Kuya Peds at Ate Joyce, sa araw na ito nagtapos ang pagbibilang nila ng mga araw, buwan, at taon na mag-isa. Sa araw ring ito nagsimula ang pagbibilang nila ng bawat umaga na magkasama.

Masaya ako para sa kanila. Masaya ako dahil hinintay nila ang isa’t-isa. At naniniwala ako na dahil ang Panginoon ang pumapagitna sa kanila, malalagpasan nila ang kahit anumang pagsubok at magagawa nilang mahalin ang isa’t-isa habang-buhay.

(Ang mga larawang nandito ay kuha ng mga kaibigan kong dumalo rin sa kasalan.)

Advertisements